Author: Dan Gacis | Nobyembre 2, 2023
Photo Courtesy: Roland Castillo and Justine Berganio
Kahit na umambon at umulan sa pagdiriwang ng bisperas ng Undas, hindi nagpatinag ang mga pumunta sa Our Lady of Lourdes Eternal Park, araw ng Miyerkules, Nobyembre 1.
Ayon sa tala ng PNP Malabon City hanggang alas-7 ng gabi, umabot na sa halos 1,600 ang bilang ng mga bisita sa sementeryo.
Sa oras naman ng 10:04 AM ng Nobyembre 2, mahigit pa lamang sa 410 ang narehistro na mga bumisita, ngunit inaasahang dadami pa ang mga dadalaw sa mga yumaong kamag-anak.
Base sa assessment ng PNP na naka-istasyon sa nasabing sementeryo, maayos naman ang takbo ng mga pangyayari kahapon at tumalima naman ang karamihan sa mga ipinatutupad na regulasyon.
Ngayong taon, mas maluwag ang mga ipinatutupad na panuntunan at mga paalala sa sementeryo, lalo na't nagkaroon ng pagluluwag sa mga patakaran dahil sa pagtatapos ng krisis sa COVID-19.
Kasama sa mga facilities ang medical booth na inihanda ng City Health of Malabon bilang bahagi ng pagdiriwang ng bisperas at pagdiriwang ng Undas.
"Kahapon meron kaming nahilo, so in-assist lang namin ta's nag-vital check kami to check yung BP and stable naman. After that na-relieve naman namin ang dizziness," pahayag ni Arlene Bragais, isang nurse na nakatalaga sa sementeryo matapos ang makaranas ng pagkahilo ang isa sa mga bumisita nito lamang Miyerkules.
Nakahanda ang medical booth upang magbigay ng first aid kit, emergency medicine tulad ng Luzartan, libreng gamot sa sakit ng sikmura, at blood pressure monitoring para sa mga bibisita sa kanilang mga yumao dito sa sementeryo hanggang sa Huwebes.
Kasama rin sa mga nakatambay ang help desk ng Bureau of Fire Protection (BFP), sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG).
"Nandito lamang po kami upang magbigay ng tulong kung kinakailangan. Meron na po kaming in-assist kaya lang hindi sa loob [ng sementero kundi] mga aksidente po kadalasan sa labas]," pahayag ni Acting Chief PMS Rizaldy Evangelista.
Sa kasalukuyan, may limang tauhan ng BFP na nakadestino sa Our Lady of Lourdes Eternal Park, dalawa sa San Bartolome Cemetery, at dalawa naman sa Tugatog Cemetery.
Inaasahang mananatili ang BFP help desk ayon sa dami ng mga bisitang dadalaw.
"Depende po ito sa aming kagawaran at sa dami ng mga dadalaw. Posible rin na ma-extend kami. Handa kaming magbantay para sa ligtas na pagdiriwang ng Undas," dagdag ni Evangelista.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagtayo rin ang PNP ng mga help desk sa loob ng sementeryo. Batay sa kanilang monitoring, maayos naman ang takbo ng mga pangyayari kahapon. Wala silang naitalang anumang untoward incidents o anumang banta sa seguridad ng mga bumibisita. Sa kasalukuyan, may mahigit 23 na mga pulisya na ipinakalat sa loob ng Our Lady of Lourdes Eternal Park.
Samantala, nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan ng Malabon para sa ligtas at mapayapang paggunita ng Undas ngayong taon.
Hinimok ang mga dadalaw na suriin ng maigi ang schedule ng kanilang pagbisita sa mga sementeryo, osyaryo at kolumbarium sa lungsod, at sundin ang mga itinakdang petsa, oras, at mga alituntuning ipinatutupad dito. Pinapayuhan rin ang mga bibisita sa kahalagahan ng pagtupad sa mga patakaran ng sementeryo para sa kalusugan at kaligtasan ng lahat.
Paalala: Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga bagay na maaaring makasakit o matatalim, gunting, cutter, o anumang bagay na may talim, at gayundin ang mga lighter. Hindi rin pinapayagan ang mga kontrabando, mga baril at paputok, ilegal na droga, portable cooking stoves o LPGs, mga inumin na maaaring makaapekto sa iyong katinuan, at mga kagamitang makalilikha ng malalakas na tunog tulad ng radio o loud speakers.
Comments