Author: Dan Gacis and Roland Castillo | Nobyembre 2, 2023
Photo Courtesy: Justine Berganio, THE PULSE
Dismayado ang mga tagalinis ng sementeryo sa kanilang nadatnang dami ng basura matapos gunitain ang huling araw ng Undas sa Our Lourdes Eternal Park sa Tonsuya, Malabon City.
"Dapat may sarili po silang tamang tapunan at marunong magtapon. Huwag po silang magkalat. Nakakapagod. Kasi ang dami [rin] pong bumibisita," saad ni ‘Pogi,’ isang garbage collector sa nasabing sementeryo.
Nagsilbi itong panawagan para sa mga bibisita na itapon sa tamang tapunan ang kanilang mga basura at huwag mag-iwan ng anumang kalat. Ilan sa mga uri ng namataang basura ay mga plastic bottles, pinagkainang mga chichirya, at mga plastic bag ng mga bumisita.
Batay sa crowd estimate na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) pasado alas-syete ng gabi, umabot sa 1,600 ang bilang ng mga taong bumisita sa Lourdes Eternal Park. Ito ang pangunahing salik na nagdulot sa pagdami ng mga naiwang kalat at basura sa sementeryo.
Paalala ng Our Lady of Lourdes Internal Park Cemetery, panatilihin ang pagtapon ng basura sa tamang tapunan para sa kaayusan ng sementeryo.
Comments