Author: Christine Marish Rivera I Oktubre 28, 2023
Photo by: Christine Marish Rivera, THE PULSE
Puspusan ang pangangampanya ng mga kandidato sa Navotas City sa huling araw ng pangangampanya noong Oktubre 28. Ayon sa ilang mga residente, alas singko pa lamang ng umaga ay nagsimula na ang mga ito.
Kanya-kanyang pakulo ang bawat kandidato. Ang iba ay may kasamang mga street drummers, samantalang ang iba naman ay may naglalakihang mga speaker na maririnig ang kaniya-kanyang jingle.
Bukod pa rito, sa huling araw ng pangangampanya ay nagpakita ng suporta ang mga kaibigan, kamag-anak at tagahanga ng bawat kandidato dahilan para dumami ang nangangampanya bawat partido.
Ayon sa isang writer ng The Pulse at ibang mga pasahero, nakaranas sila ng matinding traffic sa Brgy. San Jose, Navotas City bandang alas tres ng hapon. Napag-alamang ito pala ay dahil sa dalawang partido na nangangampanya na kung saan ay dumadaan ang mga sasakyang pampribado at pampubliko.
“Di pa man din nakakaupo, perwisyo na,” ani ng isang pasaherong apektado ng labis na trapik.
Natagalan ang pag-usad ng mga sasakyan sa kadahilanang magkasalubong ang dalawang partido na tinutukoy. Ang ibang mga pasahero naman ay nagbabaan ng jeep at mas piniling maglakad na lamang.
Kinagabihan, may ilang jeepney driver ang nagpasya na huwag na pumasok sa C4-Navotas papasok sa Brgy. Tangos para makaiwas umano sa traffic.
Comments